Wednesday, March 29, 2017

PAG-IBIG

Jose Corazon de Jesus
1926

    Isang aklat na maputi, ang isinulat: Luha!
Kaya wala kang mabasa kahit isa mang talata;
Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata;
Tumanda ka't nagkauban, hindi mo pa maunawa.

    Ang Pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa-puso!
Pag pinuso, nasa-isip, kaya't hindi mo makuro.
Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo'y naglalaho;
Layuan mo at kay-lungkot, nananaghoy ang pagsuyo!

    Ang Pag-ibig na dakila'y aayaw nang matagalan,
Parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiliman.
Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang nahalikan,
At ang ilog kung bumaha, tandaan mo't minsan lamang.

Ang Pag-ibig kapag duwag ay payapa't walang agos,
Walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos!
Ang Pag-ibig na matapang ay puso ang inaanod,
Pati dangal, yama't dunong nalulunod sa pag-irog!

    Ang Pag-ibig na buko pa'y nakikinig pa sa aral,
Tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw,
Ngunit kapag nag-alab na pati mundo'y nalimutan ---
Iyan, ganyan ang Pag-ibig, damdamin mo't puso lamang!

    Kapag ikaw'y umuurong sa sakuna't sa panganib
Ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip:
Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig:
Pag umibig, pati hukay aariin mong langit!

    Ang Pag-ibig ay may mata, ang Pag-ibig ay di bulag;
Ang marunong umibig, bawat sugat ay bulaklak:
Ang pag-ibig ay masakim at aayaw ng kabiyak;
O wala na kahit ano, o ibigay mo ang lahat!

    "Ako'y hindi makasulat at ang Nanay ay nakabantay!"
Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal!
Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay,
Minamahal ka na niya nang higit sa kanyang buhay!

    Kayong mga kabataang pag-ibig ang ninanais,
Kayong mga paruparong sa ilawan lumiligid,
Kapag kayo'y umiibig na, hahanapin ang panganib,
At pakpak ninyo'y masusunog sa pag-ibig!


Si Jose Corazon de Jesus ay isinilang noong November  22, 1896 sa Santa Cruz, Manila. Isa siyang pilipinong manunulat na naglalayong ipahayag ang kalaayang inaasam ng mga  Pilipino sa panahon ng mga Amerikano sa Pilipinas. Kilala si Jose Corazon de Jesus bilang “Huseng Batute” na siyang kanyang sagisag panulat. Kilala rin siya bilang “Makata ng Puso” at  siya ang higit na nakamana ng koron’t setro ng pinsel at papel ni Francisco Balatazar. Taglay ng kanyang mga tula ang masaganang daloy ng luha at maradaming paglalarawan.
Ang tulang Pag-ibig na isa sa kanyang mga katha ay nakasentro sa masidhing damdamin ng tao kung kaya’t ang teorya nito ay Romatisismo. Nagpapakita rin itong mga totoong nagaganap o nangyayari sa buhay ng tao kung kaya’t may bahid ito ng Realismo.
Sa unang saknong ng tula, nagpapahiwatig ito ng kalungkutan o paghihinagpis. Kaakibat ng pagmamahal ay ang sakit at saying hindi ito maiwawaksi sa realidad kapag ang tao ay nagmahal.  Partikular sa unang dalawang talutod ng unang saknong ng tula, nagsasaad ito ng napakalungkot na damdamin habang ang isang tao ay nagsususulat .
Ang pag-ibig ay nakakalito. Hindi rin mawawala ang pagkalito o hindi gaanong maipaliwanag nanararamdaman habang ang isang tao ay umiibig. Nagdudulot ito ng kilig na sadyang hindi maipaliwanag kung bakit ba ito nadarama at kung paano ito nakaaapekto sa isang buong sistema.
Ang pag-ibig ay nakakalunod. Kapag ang pag-ibig ay tunay at totoo hindi mo alitana ano man ang maaaring mangyarisa iyo mabuti man ito o masama. Kapagtoto ang iyong nararamdaman ay hindi k ana magdadalwang-isip na gumawa ng isang bag ay para sa iyong minamahal. Nilulunod nito ng lahata ng iyong pagkatao at kaya mong gawin ang lahat para sa iniibig, ganyan kabangis ang pag-ibig. Hindi nakokontrol ng tao ang sariling emosyon kapag siya ay tinamaan ng tunay na pag-ibig, kahit sabihin pa nating siya ay may angking talino, hindi nito kadalasang nagagamit ang isip kung pag-ibig na ang pinag-uusapan. Kahit alam nilang mali ang magiging kahihinatnan ng isang desisyong pinakawalan ay  nagagawa pa rin nila ito. Nagagawa ng tao na maging mapangahas sa lahat ng bagay, kaya nitong ibuhis ang sariling buhay at hindi umurong sa anumang pagsubok na ibabato ng kapalaran.
“Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay di bulag. Ang marunong umibig bawat sugat ay bulaklak.” Kagaya ng isang katanungan ng isang sikat na komedyante na si Vice Ganda, “masakit ba ang masakit? O masarap?” sinasalamin nito ang pagtititis, pagsasakripisyo, pagpapakumbaba ng isang tao para sa kanyang minamaha.  May mga bagay na hindi kadalasang nagagawa ng tao at ginagawa ng tao, ngunit dahi sa pag-ibig ay kinakaya niya ito at ang pagtitiis na hindi niya kayang tiisin ay kanyang natitiis para sa minamahal. Nagiging makasarili o sakim rin ang isang tao. Ginagawa nito ang mga bagay-bagay para sa sariling kapakanan at kagustuhan. Hindi na nito napapansin na nakakasakit at nakakaapak na siya ng damdamin ng iba.
Sa huling dalawang saknong ng tula, nagpapahiwatig ito ng pagbibigay payo para sa bawat isa lalong-lalo na sa mga kabataan sa makabagong panahon. Inahahalintulad nito ang mga maaaring magawa ng pag-ibig sa buhay ng tao. Maaari itong makasira ng kinabukasan ng isang nilalalang. Sadyang masarap ang hatid ng pag-ibig, ngunit huwag nating kalilimutan na hindi masyadong magpadala sa kapusukan, emosyon at mga ninanais upang maiwasan ang sakit na laging kaakibat nito.

8 comments:

  1. Ilan po ang sukat ng tula nayan

    ReplyDelete
  2. pwede mag ask anong explanation ng tula nito?

    ReplyDelete
    Replies
    1. ano po ba? ang kaibahan ng pag ibig noon at ngayun ? meron puba pinag
      kaiba o wala?

      Delete
  3. Personang ginamit sa tulang pag ibig

    ReplyDelete
  4. Anong anyo ng tayutay ang tulang pag ibig ni jose corazoj de jesus

    ReplyDelete
  5. Pede po mag-tanong kung ano ang kariktan at talinghaga po ng tulang ito?

    ReplyDelete

PAG-IBIG Jose Corazon de Jesus 1926     Isang  aklat  na maputi, ang isinulat:  Luha ! Kaya wala kang mabasa kahit isa mang  talata ; Kinab...